Face-to-face classes, papayagan sa Enero kapag may bakuna laban sa COVID-19

National News

Binigyang linaw ng Malakanyang na papayagan lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang face-to-face classes sa susunod na taon sa buwan ng Enero kapag mayroon nang nabuong bakuna sa COVID-19.

Sa ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, muling binigyang-diin nito na pahihintulutan lamang niya ang  face-to-face classes kapag magiging available na ang coronavirus vaccine para matiyak na mapangangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante.

Sa isinagawang post-SONA press briefing sa New Executive Building (NEB), sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na noong nagsagawa ng pagpupulong kasama si Education Secretary Leonor Briones, ang pagpayag ng presidente ay gagawin ang face-to-face classes sa January.

Ito’y dahil nagkaroon aniya ng assumption ang punong-ehekutibo na baka mayroon nang bakuna sa COVID-19 pagdating ng Enero.

Samantala, ni-recap ng Malakanyang ang priority legislation measures ng Administrasyong Duterte na inilahad ng pangulo sa SONA nitong Lunes.

Kabilang sa highlights sa SONA ng punong-ehekutibo ay ang pagsulong ni Pangulong Duterte na buhayin ang death penalty, pagpasa ng Bayanihan 2 at create act bilang bahagi ng recovery program.

Idinagdag pa ni Secretary Harry Roque na ipinunto rin ni Pangulong Duterte ang pag-hire ng health workers lalo sa malalayong lugar at inatasan naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa retooling ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa kabilang banda, ibinahagi ng Palasyo na  nananatili namang mababa ang global average ng Case Fatality Rate (CFR) ng Pilipinas.

Mula 2.9% noong July 14, bumaba ang CFR ng bansa sa 2.37% na lamang kumpara sa 4% global average.

Habang umakyat naman nang bahagya, mula 71% ay naging 73% na ang ICU beds capacity ng Pilipinas.