Duterte, pinuna ang katigasan ng ulo ng mga Cebuano

National News

Pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Cebuano dahil sa katigasan ng ulo ng mga ito sa gitna ng tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa Cebu City.

Ito ang mariing sinabi ni Pangulong Duterte sa mabagal na pagtalima ng mga Cebuano sa preventive measures na ipinatutupad ng national government laban sa nakamamatay na sakit.

Giit pa ng pangulo, hindi ito ang unang national emergency na mabagal ang pagkilos ng mga Cebuano at kung gagalaw naman ang dami pa aniyang sinasabi.

Idiniin pa ng presidente na nasa bahay na halos ang mga residente sa buong bansa pero ang mga taga-Cebu, nagawa pang pumasyal-pasyal, papakampante at tila binalewala pa ang banta ng virus.

Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu na tumungo sa Cebu City upang pamunuan ang COVID-19 task force.

Aniya, “I’m sure Cimatu, he cannot solve the problem on his own, but he can make recommendations.”

Inihayag ni Duterte na mag-iisyu siya ng executive order na magtatalaga kay Cimatu na pangasiwaan ang COVID-19 situation sa Cebu.

Kaugnay nito, malugod namang tinanggap ni Secretary Cimatu ang pagkakatalaga sa kanya at harapin ang hamon gaya na lamang ng mga naunang utos ni Pangulong Duterte sa kanya na ayusin at pagandahin ang Boracay maging ang Manila Bay.

Pinasalamatan ni Cimatu si Pangulong Duterte sa ibinigay na oportunidad na i-oversee ang Cebu City at nangakong gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya.

Ayon kay Cimatu,”This is really an honor to me because probably this fate and destiny to me, to save the lives of people of Cebu at this time of pandemic.”

Inatasan din ni Pangulong Duterte ang Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG) at National Task Force (NTF) against COVID-19 na i-assist si Secretary Cimatu.

Agad namang tumugon si National Task Force COVID-19 Chief Implementer, Secretary Carlito Galvez, JR. at iba pang kalihim sa utos ng pangulo.

Ani Galvez, lilipad sila ngayong Martes papuntang Cebu City kasama sina Health Secretary Francisco Duque III,Defense Secretary Delfin Lorenzana, Interior Secretary Eduardo M. Año at kanilang titipunin ang regional IATF doon at i-assist si Gen.Cimatu sa kanyang gampanin.

Mababatid na sa kabila ng pagluwag ng community quarantine sa ibang bahagi ng Pilipinas nitong June 15, nananatili naman ang Cebu City sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula June 16 hanggang June 30.

Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang panibagong kaso at mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa halos lahat ng mga barangay sa Cebu City, ayon sa Inter-Agency Task Force (IATF).