DSWD LGUs SAP Distribution

DSWD, nasabon sa Kamara dahil sa mabagal na pamamahagi ng SAP

National News

Nasabon ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development o DSWD dahil sa mabagal na pamamahagi ng ayuda.

Ito ay kaugnay sa distribusyon ng Social Amelioration Program o SAP cash aid at food packs sa mga Pinoy na apektado nang magpatupad ng lockdown noong Abril at Mayo dahil sa COVID- 19.

Isa sa mga problemang naitala noon ay ang pagsasapinal ng masterlist para sa mga mabibigyan ng SAP cash aid.

Hindi kasi kasama sa SAP ang mga benepisyaryo ng 4Ps.

Pero ang nangyari, matagal na naisapinal ang masterlist mula sa DSWD.

Batay sa Bayanihan to Heal As One Act, ang DSWD ang naatasang mamahagi ng SAP cash aid habang patuloy naman ang pamamahagi nito ng ayuda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Giit ni Cayetano na kung nasunod lamang ang plano para sa pamamahagi ng ayuda, hindi na sana nagtagal ang pamamahagi nito.

Hindi lamang ang mabagal na pamamahagi ng cash aid ang inungkat sa hearing, pati narin ang mabagal na distribusyon ng food packs.

Nilinaw naman ng mababang kapulungan na layon lamang nila na maitama ang pagkukulang sa pamamahagi ng ayuda.

Samantala, nagpaliwanag naman ang Malakanyang kaugnay ng pagkaantala ng pamimigay ng ikalawang yugto ng ayuda.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inaayos lang ang isyu ng duplication of beneficiaries na siyang nagpapatagal sa proseso.

Inilahad pa ng tagapagsalita na oras na matapos na itong ayusin, tiyak na magkakaroon na ng mas mabilis na pagproseso sa distribusyon lalo pa’t gagawin na itong ‘electronically.

Gayunpaman, ibinahagi ng palasyo na nabigyan na ng ayuda mula sa SAP ang 1.3 milyong pamilya na kabilang sa 4Ps na may cash cards na nasa mga lugar na nakapaloob sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Natanggap na aniya ng waitlisted beneficiaries sa Baguio City at Benguet ang second tranche ng kanilang SAP cash aid.

Nitong June 21 naman, naipamahagi na ang payouts ng mga benepisyaryo sa La Union.