DILG, inatasan ang mga barangay sa bansa na bumuo ng contact tracing team

National News

Kasunod ng pagtatalaga ng halos 96,000 contact tracers, inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay sa buong bansa na bumuo ng sariling contact tracing teams.

Ito ay upang mapalakas pa ang paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, mahalagang magkaroon ng contact tracers mula mismo sa komunidad kung saan halos magkakakilala ang mga tao.

Tiwala ang kalihim na ang pagkakaroon ng contact tracers sa mga barangay ay higit na magpapalakas sa kakayahan ng bansa sa pagharap ng pandemya.

Kaugnay nito, inatasan ng DILG ang Local Goverment Academy at Philippine Public Safety College para sa pagsasanay ng lahat ng contact tracers na bubuuin ng bawat barangay.