Connect with us

DepEd, puspusan na ang paghahanda sa nalalapit na pasukan

Mas pinapaigting pa ng Department of Education (DepEd) ngayon ang paghahanda nito para sa pagbubukas ng klase sa ika- 5 ng Oktubre.

National News

DepEd, puspusan na ang paghahanda sa nalalapit na pasukan

Puspusan na ang paghahanda ng Department of Education (DepEd) para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa ika- 5 ng Oktubre.

Ito ang inihayag ni DepEd undersecretary for curriculum and instruction Diosdado M. San Antonio sa panayam ng Sonshine radio.

“Ang paghahanda ay lalong pinapaigting at totoo po ‘yon, kagabi nga ay nagkaroon po ulit kami ng regular na pagpupulong sa aming mga regional directors at nag-usap tungkol sa mga kailangang gawin upang tuloy- tuloy na ang paghahandang ito.”

Aminado si Usec. San Antonio na isa sa pinaka-malaking hamon ang pag-reproduce ng mga self-learning modules at pag-deliver nito.

Sa kabila nito, ibinalita ni Usec. Antonio na marami ng mga paaralan ang naguumpisa na sa kanilang distribusyon ng mga self-learning module.

At hindi lamang ‘yan, nag-umpisa na rin ang maraming paaralan para sa dry run ng gagawing distance learning sa ika- 5 ng Oktubre.

Naniniwala din ang kagawaran na mas maraming paaralan sa Pilipinas ang handa na sa pasukan.

Aniya, “47,000 something po ang mga paaralan natin. So, kung maghahanap po tayo ng kung baga, butas, sa aming mga inihanda, dahil hindi naman ito perpekto, makakakuha pa rin. Pero po naniniwala po kami na mas marami sa aming paaralan ang handang handa.”

Sa kabila nito, nasa 10-15% pa ang patuloy na nagre-reproduce pa ng mga self-learning module at maaring sa susunod pang linggo ito ipamamahagi.

Ani San Antonio, binigyan ng kapangyarihan ng DepEd ang mga principal kung paano gawin ang mga self-learning module.

Nagpapasalamat naman si Usec. San Antonio sa mga lokal na pamahalaan sa pag-suporta nito sa mga paaralang nasasakupan.

Wala pa ring mangyayaring face to face classes kahit na ano pa man ang estado ng quarantine sa isang lugar.

Ito ay bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na walang mangyayaring face to face classes hangga’t walang bakuna laban sa COVID-19.

“Dati depende po sa sitwasyon pero po nagpahayag po ang ating pangulo na ‘pag walang vaccine, walang pasok sa mga paaralan. So, lahat po distant learning.”

Kaugnay nito, Sinabi pa nito  na sa ilalim ng distance learning, hindi lamang ito online studies kundi mayroon ding pagtuturo sa TV, radyo at pamamahagi ng self-learning module.

Sa kabila nito, nirerespeto din ng kagawaran ang panawagan ng samahan ng progresibong kabataan na magkaroon ng “academic freeze”.

Paliwanag nito, “Nauunawaan po natin na may mga sector na naghahanap palagi ng mga hindi magandang ginagawa ng gobyerno at kasama po yata itong hamon na magkaroon ng academic freeze. Nirerespeto po natin ang kanilang karapatan na magpahayag ng kanilang saloobin.”

Katunayan aniya ay maraming mga magulang ang nais ituloy ang pag-aaral ngayong 2020 base na rin sa dami ng mga nagpa-enroll.

More in National News

To Top