DepEd, hinimok na kanselahin ang S.Y. 2020-21

National News

Hinimok ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong ang Department of Education (DepEd) na kanselahin ang resumption ng school year ngayong taon dahil sa patuloy na banta ng COVID- 19.

Ayon kay Ong, mainam ang postponement sa halip na magsagawa ng virtual classes dahil maraming estudyante ang walang kapasidad nito.

“DepEd should just postpone the entire school year without any exception. Our policy should apply to all to avoid any confusion. We are unprepared for this crisis,” ayon kay Ong.

Aniya, marami sa mga kabataan ang walang kakayahan na bumili ng gadget gaya ng smartphones, tablets at laptops. Gayundin ang pagbabayad ng stable internet connection para sa virtual classes.

Paliwanag ng kongresista, maraming estudyante mula sa mga malalayong lugar ang hindi makakasabay sa makabagong paraan ng pag-aaral.

“Sobrang hirap na ng buhay ng ating mga magulang sa panahon na ito ng COVID pandemic. Halos wala nang makain ang marami sa ating mga magulang dahil walang hanapbuhay habang naka-quarantine,” wika ng mambabatas.

Para maiwasan ang kalituhan, panawagan ni Ong sa DepEd na mag-anunsyo nang maaga kung ano ang magiging pasya ng Kagawaran. Ito ay para maiwasan ang kalituhan at hindi masayang ang pera ng mga magulang sa pagbili ng mga gadgets.

Batay sa Learning Continuity Plan (LCP) na ipinalabas noong May 11, 2020, isinusulong ng DepEd ang pagpapatupad ng mga makabagong learning delivery options gaya ng distance learning at home schooling at iba pang pamamaraan dahil sa banta ng COVID- 19 sa mga estudyante.

Samantala, habang pinaghahandaan pa ng DepEd ang mga pagbabago sa education system at habang sinasanay nito ang mga guro na sumabay sa “new normal,” panawagan ni Ong na magkaroon ng sariling Social Amelioration Program o SAP ang mga private and public school teachers.

“Tulungan din po natin ang ating mga teachers, lalo na yung mga under sa No Work, No Pay scheme. Sigurado natin na mapupunta sa pamilya nila; hindi gagamitin sa ibang non-essential purchases ang SAP na maibibigay na lang sana sa mga teachers,” ayon sa mambabatas.