DBM isusumite na ang COVID-19 documents sa Ombudsman

National News

Isusumite na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga dokumento na hinihingi ng Office of the Ombudsman para sa isinasagawang imbestigasyon nito sa umano’y iregularidad sa pangangasiwa ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 crisis.

Ito ang inilahad ni DBM Secretary Wendel Avisado bilang tugon sa kahilingan ni Ombudsman Samuel Martires kung saan bahagi ito ng imbestigasyon kaugnay ng paggastos ng pondo ng pamahalaan para sa COVID-19 response.

Nauna nang sinabi ni Martires na nagpadala na ang kanyang tanggapan ng subpoena kay Avisado at Health Secretary Francisco Duque III para humingi ng dokumento na may layong tuntunin ang COVID-19 funds.

Tiniyak naman ni Avisado ang kooperasyon ng kanilang departamento sa naturang imbestigasyon at nakahanda aniya ang kagawaran na tumupad sa nasabing kautusan.

Dagdag ng kalihim, kaakibat ito ng kapangyarihan ng ombudsman na magsagawa ng karampatang imbestigasyon pagka mayroon itong obserbasyon at report na natatanggap.

Samantala, sinabi ng DBM na naipalabas na sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ang pondo na umaabot sa P355.68 billion para sa coronavirus response interventions.