Tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASIAN) ang COVID-19 recovery plans sa gaganaping 36th virtual  ASEAN summit ngayong araw.

COVID-19 recovery plans tatalakayin sa virtual ASEAN summit

National News

Tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations (ASIAN) ang COVID-19 recovery plans sa gaganaping 36th virtual  ASEAN summit ngayong araw.

Ito ang sinabi ni Presidential Assistant on Foreign Affairs at Chief of Presidential Protocol Undersecretary Robert Borje.

Ani Borje, isusulong din ni Pangulong Duterte ang interes ng Pilipinas sa gagawing diyalogo upang manumbalik sa normal at makabawi ang ekonomiya ng rehiyon.

Kasama sa magiging agenda sa naturang summit ang seguridad at kapayapaan sa rehiyon gayundin ang proteksyon sa karapatan ng mga migrant worker.

Inaasahan ding pag-uusapan ang ilang international at regional issues kasama na ang maritime security developments.

Ito ang kauna-unahang ASEAN summit na gagawin sa pamamagitan ng video teleconference kung saan ang bansang Vietnam ang host.

Aminado naman si Borje na malaking hamon ang naturang sistema kaya mahigpit ang kanilang ugnayan sa mga counterpart para maging maayos ang partisipasyon ni Pangulong Duterte sa ASEAN summit.

“Cohesive and responsive ASEAN” ang tema ng summit kung saan sesentro ang usapin sa transition ng ASEAN region sa “new normal” at post-pandemic recovery.