checkpoint pulisya nauwi habulan

Checkpoint ng pulisya sa isang van sa QC ,nauwi sa habulan at putukan

National News

Nauwi sa habulan at nagkaputukan pa ang sana’y pag-inspeksyon lang ng pulisya sa isang van sa Quezon City.

Ayon sa NCRPO, nagmamando ng enhanced community checkpoint ang mga elemento ng Quezon City Police District Station 12 sa pangunguna ni PLt Mark Manuel kaninang alas 7:45 ng umaga nang parahin nito ang isang berdeng Delica Van na may plakang XCV 512.

Pero imbes na huminto at magpasailalim sa inspeksyon binalewala ng mga suspek ang checkpoint at tinangkang tumakas.

Dito na hinabol ng otoridad ang mga suspek kung saan nagpaputok pa ang isa sa mga ito sa humahabol na mga pulis na nagpaputok rin ng armas.

Umabot ang habulan sa C5 road sa Pasig City kung saan dito ay aksidenteng bumangga ang van sa center island malapit sa Subaru Car Dealership sa Brgy Ugong.

Dito ay inaresto ang isa sa mga suspek na kinilalang si Jason delos Santos, 24 anyos, isang Criminology student, at taga Baesa Caloocan.

Isinugod naman sa Rizal Medical Center ang tatay ng inarestong suspek na siyang driver na kinilalang si Joselito delos Reyes.

Isang pulis naman na kinilalang si PCpl. Villamor Talosig ang injured at dinala sa Medical City.

Nakuha mula sa mga suspek ang isang Taurus 9mm na baril, 2 magazine na may buhay na mga bala at karton-kartong mga alak.

Labis namang ikinadismaya ni Metro Manila police chief PMGen. Debold Sinas ang insidente.

“The turn of events in this supposed to be a simple vehicle inspection is extremely saddening. We have always reiterated our plea for everyone to stay home and obey all laws especially those relative to the extended ECQ. This kind of resistance is very much unnecessary,” saad ni Sinas.