Nakahanda ng ilabas ng Bureau of Corrections(BuCor) ang talaan o impormasyon kaugnay sa mga namatay na mga inmate sa gitna ng pandemya.

BuCor, handang ilabas ang talaan ng mga nasawi ng COVID-19 sa Bilibid

National News

Nakahanda ng ilabas ng Bureau of Corrections (BuCor) ang talaan o impormasyon kaugnay sa namatay na mga inmate sa gitna ng pandemya.

Ito ay matapos ang panawagan ni ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran kaugnay sa full disclosure at accounting sa mga nasawi sa loob ng bilibid.

Ayon kay BuCor Spokesperson Gabriel Chaclag, ito ay kung pahihintulutan ng mas nakatataas na otoridad.

Ang hamon ng ACT- CIS ay kasunod ng biglaang pagkamatay ng isang high profile inmate dahil sa COVID-19.

Isa na rito si Jaybees Sebastian na pangunauing saksi sa sinasabing bentahan ng droga sa loob ng bilibid na kinasangkutan ni Sen. Liela Delima.

Ayon kay Chaclag, ”Tapos naman na Yan, magrereport naman, nagpo-full accounting, full report kami sa DOJ, kung gusto nila ay ibinigay uli, namin ang full report na pinasa-submit namin sa headquarters as long as they are authorized to receive. Ganoon Lang man yun, walang tinatago na reports o whatever.”

Ang pakiusap lang ng BuCor, dapat magkaroon pa rin sila ng pribadong hakbang sa pagtrato ng mga impormasyon dahil pribadong indibidwal ang may ari ng mga hinihinging impormasyon.

“So it is given to authorized recepients, kasi details ito ng mga private individuals, so hindi basta-basta naibibigay according to the data privacy act ay constrained kami. It prohibits us to reveal details of our patients especially COVID-19. Iba yung stigma na nare-receive ng family pang ang isang patient ay victim ng COVID-19”, saad pa ni Chaclag.

Bukod sa full accounting ng mga namatay sa bilibid ay nais din ni Taduran na isailalim sa otopsiya ang mga namatay na bilanggo kasama na ang mga nasawi sa COVID-19.

Sa isang pahayag nais malaman din ni Taduran kung naabisuhan ba ng New Bilibid Prison ang Department of Health hinggil sa kondisyon ni Sebastian.

Hinihingi pa ng kongresisita ang medical report ni Sebastian noong nahawaan ito ng COVID-19.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni BuCor Chief Director General Gerald Bantag na dumaan naman sa tamang protocols kabilang na ang cremation sa mga bangkay ng mga inmates.