MRT 3

Biyahe ng MRT-3, babawasan

Metro News

Asahan ang mas kaunting bilang ng mga biyahe ng MRT-3 o  Metro Rail Transit-3 sanhi ng dumaraming bilang ng mga personnel nito na nagpopositibo sa COVID-19.

Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan, umabot na sa 186 MRT personnel ang nagpositibo sa virus.

169 sa mga ito ay depot workers, 12 station personnel, 3 train drivers at 2 mula sa operations at control center.

Ani Batan, ang iba sa mga personnel ay nahawaan ng virus sa labas ng MRT-3.

Sa ngayon, 11 tren lamang ang bumibiyahe mula sa 16  hanggang 19 na mga tren ng MRT-3.

Samantala ,pinayuhan ngayon ng Department of Health  ang lahat ng mga nakasalamuha ng MRT-3 ticket seller na obserbahan ang kalusugan matapos magpositibo ito sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, magsasagawa ang gobyenro ng contact tracing para sa mga nakasalumahang pasahero ng nasabing ticket seller.

Bukod pa rito, nagbigay din ng payo ang DOH sa mga pasahero ng MRT-3 na agad na magpacheck-up kung nakararanas ng sintomas ng COVID-19 o di kaya ay mag-quarantine.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of the Interior and Local Government unit at sa pamunuan ng Metro Rail Transit-3 para sa gagawing contact tracing.

Maaalala na nagbalik ang biyahe ng MRT-3  sa Metro Manila matapos paluwagin ang ipinaiiral na community quarantine dahil sa banta ng COVID-19.

Una namang tiniyak ng pamunuan ng MRT-3 na kanilang ipatutupad ang striktong health protocols para sa mga mananakay at sa mga empleyado nito.

Kaugnay nito, tiniyak rin ng  opisyal ng kumpanya na magdadagdag sila ng augmentation buses upang mapunuan ang pagbabawas ng mga tren.

Samantala, tiniyak din ng MRT-3 sa publiko na ang lahat ng kanilang mga e-dedeploy na mga station staff ay nananatili pa ring virus-free.

Ito ay matapos e-require sa lahat ng kanilang mga empleyado na magsubmit ng 2 health declaration forms kada araw  para matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng lahat ng mga empleyado at pasahero ng tren.