Tatanggap pa rin ang Department of Education (DepEd) ng mga late enrollees hanggang sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24 ayon kay Usec. Escobedo

Bilang ng nakapag-enroll sa buong bansa, 19 milyon na

National News

Umabot na sa mahigit 19 milyon ang bilang ng mga nakapag-enroll na mag-aaral sa buong bansa.

Sa datos ng Department of Education (DepEd), mayroon ng mahigit 19 milyon na nakapag-enroll mula kindergarten hanggang grade 12.

Sa naturang bilang, mahigit 18.1 milyon ang naka-enroll sa mga pampublikong paaralan at mahigit 900,000 naman sa mga pribadong paaralan.

Nananatiling may pinakamaraming bilang ng nakapag-enroll sa Region 4A na may mahigit 2.5 milyon.

Sinundan ito ng Region 3 at National Capital Region (NCR) na may tig-mahigit 2 milyon enrollees.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang remote at dropbox enrollment na pinalawig ng DepEd hanggang sa July 15.

Nakatakdang magbukas ang School Year 2020-2021 sa Agosto 24.

Samantala, Ilulunsad ng Government Service Insurance System (GSIS) ang 2 loan program upang may magamit na pambayad ng tuition fees at pambili ng gadgets tulad ng laptop celfon at computer para sa distance learning.

Ayon sa GSIS,  ilalabas ang naturang loan sa Agosto para sa 30,000 pesos loan na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na may 6% interest.

Sa Setyembre naman ay ilalabas ang educational loan para sa mga miyembro nito na nagkakahalaga ng 100,000 na maaari namang bayaran sa loob ng 6 na taon.

Kaugnay nito, maaalalang nagpahayag si Education Secretary Leonor Briones ang kahandaan ng mga guro sa ipatutupad na blended learning.