Tatanggap pa rin ang Department of Education (DepEd) ng mga late enrollees hanggang sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24 ayon kay Usec. Escobedo

Bilang ng mga nakapag-enroll sa buong bansa, mahigit 18 milyon na

National News

Pumalo na sa 18 milyon na mga magaaral  ang mga nakapag-enroll sa buong bansa.

Sa datos ng Department of Education (DepEd) as of 8:00 AM ng July 6, mayroon ng mahigit 18.2 milyon na nakapag-enroll mula kindergarten hanggang grade 12.

Sa naturang bilang, mahigit 17.4 milyon ang nakapag-enroll sa buong bansa sa mga pampublikong paaralan at mahigit 800,000 naman sa mga pribadong paaralan.

Nananatiling may pinakamaraming enrollees sa Region 4A na may mahigit 2.5 milyon.

Sinundan ito ng Region 3 at National Capital Region (NCR) na may tig mahigit 1.9 milyon enrollees.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang remote at dropbox enrollment na pinalawig ng DepEd hanggang sa July 15.

Kaugnay nito, sinabi ng DepEd na nasa 5 milyong mga estudyante mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ang hindi makakapasok ngayong nalalapit na pasukan.

Dahil dito, patuloy parin nilang hinihikayat ang mga magulang na ipalista na ang kanilang mga anak dahil ligtas naman ang mga bata dahil walang face to face classes at mayroon silang blended learning.

Aminado naman ang DepEd na 80% lamang ng 27 milyong mag-aaral noong nakaraang school year ang papasok sa mga paaralan o nasa 21.6 milyon lamang ang makapag-enroll sa buong bansa dahil sa banta ng COVID-19.

Samantala, hiniling ngayon ng kagawaran sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunication Commission (NTC) na pakiusapan ang mga telecommunications company na magbigay ng free internet access para sa DepEd commons.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, nais nito na magkaroon ng maganda at malawak na internet connection sa mga paaralan lalo na sa mga lugar na malayo sa urban areas.

Ito ay bilang preparasyon para sa nakatakdang pagbubukas ang school year 2020-2021 sa Agosto 24.