BFP, bumuo na ng team para imbestigahan ang insidente ng “Bora 27”

National News Regional

Bumuo na ng team ang Bureau of Fire Protection (BFP) para imbestigahan ang umano’y conference sa Boracay Island ng mahigit 20 BFP personnel kabilang na ang isa na dapat naka-quarantine at kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay BFP Chief Director Jose Embang Jr., base sa impormasyon na nakarating sa national headquarters, Hunyo 12 nang dumating sa Boracay ang mga BFP personnel matapos umalis sa isla ang inspecting team mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging infectious diseases.

Kabuuang 27 BFP personnel aniya ang dumalo sa nasabing pagtitipon na tinawag nitong “Bora 27.”

Sinabi ng BFP chief na hindi pa malinaw kung nagsagawa talaga ng meeting ang BFP team sa Boracay o nagsagawa ng despedida gaya ng nakarating na report sa kanila.

Muli namang pinaalala ni Embang na ipinagbabawal pa rin ang mga pagtitipon at meeting sa ilalim ng community quarantine guidelines maliban na lamang kung kinakailangan at may limited participants.

Una nang ipinag-utos ni Department of Interior Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang pagsibak sa BFP Regional Director sa Region VI kasunod ng alegasyon ng paglabag sa quarantine protocols ng BFP employee.