barangay health workers contact

Barangay health workers, iminungkahing gawing contact tracers ng DOH

National News

Iminungkahi ni House Assistant Majority Floor Leader Niña Taduran sa Department of Health na gawing contact tracer ang mga barangay health workers (BHWs).

Ayon kay Taduran, “mas madali ang contact tracing kung sisimulan sa tinitirhan at iniikutang barangay ng COVID-19 victim.”

Ayon sa Department of Health, nangangailangan sila ng 126, 224 contact tracers o isang contact tracer sa 800 katao.

“Isailalim lang ang barangay health worker sa online training ng DOH para mas accurate ang pamamaraan ng contact tracing,” ayon kay Taduran.

Mungkahi din ng mambabatas na magpamahagi ng survey forms sa barangay para malaman kung sino ang maaaring may simtomas o na-expose sa Covid-19

“Printed or online survey forms can help in assessing who could be exposed recently or are having symptoms of the virus in a barangay. These survey forms can also help in counter checking their contact tracing list,” paliwanag ni Taduran.

Kailangan lang aniya na regular na bigyan ng face masks, goggles o face shields at sanitizers ang mga barangay health workers na gagawing contact tracers.

“Kailangan din silang bigyan ng dagdag na suweldo dahil mapanganib ang kanilang gawain. Hindi lang naman sa pamamagitan ng telepono gagawin ang contact tracing, maaaring kailanganin din nilang lumabas. Tratuhin silang mabuti dahil ang kanilang epektibong contact tracing ang susi para ma-quarantine agad ang nakasalamuha ng Covid-19 patient at maiwasang kumalat pa ang virus,” wika ng mambabatas.

Pinayuhan din ni Taduran na mamahagi ng survey forms sa barangay. Ito ay para malaman kung sino ang maaaring may sintomas o na-expose sa COVID-19.