Backriding sa mga motorsiklo, hindi pa rin pinapayagan − LTFRB

National News

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pa rin pinapayagan ang pagbabalik-operasyon ng Angkas motorcycle taxis.

Ginawa ng LTFRB ang paglilinaw para hindi malito ang tao kasunod ng naglabasang artikulo na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik-operasyon ng motorcycle taxis.

Isinumite na rin ng LTFRB ang kanilang rekomendasyon sa Kamara at naghihintay na lamang ng tugon kung papayagan pang makapagbiyahe ang mga motorcycle taxis.

Nauna namang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na aprubado na ang backriding “in principle” pero hinihintay pa ang ipatutupad na tuntunin na syang aaprubahan ng technical working group.

Kailangan din aniyang ng pamahalaan na matiyak na ligtas at maiwasan ang COVID-19 transmission sa nasabing transportasyon.

Kaugnay nito, una nang inanunsyo ni Roque na pinag-aaralan na ng DOH ang proposal para sa mga motorcycle taxis na magsuot ng special suit o maglagay ng divider sa pagitan ng rider at pasahero para masiguro ang social distancing.