Ayuda para sa private schools, dapat nang tutukan – Sen. Gatchalian

National News

Binigyang diin ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangan ng bigyan ng suporta ng gobyerno ang mga private schools na apektado rin sa krisis na dala ng pandemya.

Ito ay kasunod ng  maliit na bilang ng mga nag-enrolI sa mga private school lalo na’t wala pang 25% sa mahigit  4 milyong nag-enroll noong nakaraang taon ang nagpalista para sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.

Umabot sa mahigit 20 milyon ang bilang ng mga nagpa-enroll noong July 15, ngunit mahigit  1 milyon lamang sa mga ito ang papasok sa mga pribadong paaralan.

Mahigit 300,000 mag-aaral din mula sa mga pribadong paaralan, state at local universities at colleges ang lumipat sa mga pampublikong paaralan.

Kaya naman ayon kay Gatchalian, dapat ipagpatuloy ang pagpapamahagi ng ayuda sa ilalim ng mga programang tulad ng Senior High School Voucher Program (SHS VP) at ng Education Service Contracting (ESC) para hindi maantala ang pag-aaral ng mga kabataan habang binibigyang tulong ng gobyerno ang mga pribadong paaralan na apektado ng lockdown.

Ang mga benepisyaryo kasi ng SHS VP ay mga kwalipikadong senior high school learners mula sa mga private schools o non-DepEd school na nakakatanggap ng mga vouchers bilang ayuda.

Sa pamamagitan naman ng ESC, ang mga mag-aaral na dapat sana ay papasok sa mga pampublikong junior high school ay binibigyan ng ayuda upang makapasok sa mga kwalipikado at pribadong junior high schools.

Para naman manatiling bukas ang mga pribadong paaralan nanindigan din si Gatchalian na kailangang bigyan ang mga guro at kawani ng agarang tulong pinansyal na nakapaloob naman sa Senate bill No. 1564 o Bayanihan to Recover As One Act.