Artista na gaganap bilang terorista, hindi saklaw ng Anti-Terrorism Bill

National News

Hindi saklaw ng Anti- Terrorism Bill ang mga artista o “creative industry members” at mga gawa bunga ng creative, artistic at cultural expression na wala namang layon na makasakit ng kapwa.

Sa liham ni PBA Party-list Rep. Jericho ‘Koko’ Nograles kay Executive Salvador Medialdea, nais nitong linawin ang kapangyarihang saklaw ng kontrobersyal na Anti- Terrorism Bill o ATB bago ito lagdaan bilang batas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni Nograles, “Marami kasing nagtatanong kung ang artista mag play ng role ng Osama Bin Laden, ay terrorist na ba sa ATB of 2020. Hindi yan yung legislative intent kaya klaruhin natin”.

Mungkahi naman ni Nograles na maipasok sa Implementing Rules and Regulations o IRR ng panukala ang otomatikong paghahain ng kaso sa lahat ng mga public officers na magkakamali sa implemantasyon ng batas.

Nais ng kongresista na masampahan ng criminal, administrative at civil case ang sino mang taga gobyerno na makikitaan ng pag-abuso sa paggamit ng ATB.

Aniya,“The safeguards in the law must be clear in the implementing rules and regulations to be very sure that the anti-terror law will only be used against terrorists”.

Batay sa datos ng Global Terrorism Index, ipinunto ni Nograles na pang siyam ang Pilipinas at ang tanging bansa sa Southeast Asia sa top 10 ng index.

Iginiit pa ng mambabatas ,“The Human Security Act of 2007 is not enough to fight the evolved nature of terrorism. As an example, our law enforcement and security forces are cannot go after a foreign terrorist in our own land because we have not yet legally defined a foreign terrorist until this Anti-Terror Bill. I believe if the President signs the Bill into Law, the foreign terrorists will think 1,000 times before entering the Philippines again”.

Sa ngayon ay nasa tanggapan na ng Pangulo ang panukala.