Anti-terror bill

Anti-terror bill, ‘di na pwedeng iatras – Sen. Lacson

National News

Hindi na maaaring iatras ng Kongreso ang anti-terror bill. Ito ay kahit na ilang mga mambabatas na ang bumawi ng kanilang suporta rito.

Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na ang panukala ay hindi maaaring ibalik sa Kamara at Senado. Ito ay dahil inaprubahan na ang anti-terror bill sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Ayon kay Lacson, ipapadala na ni Senate President Vicente Sotto III sa Malacañang ang enrolled bill. Ito ay pirmado na ng liderato ng Kamara at Senado.

Nasa kamay na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ito ay lalagdaan o kung kanya itong ibi-veto; o kung hahayaan lang na mag-lapse at pagkatapos ng 30-araw ay awtomatiko na itong magiging ganap na batas.

Maaari naman humadlang ang Department of Justice (DOJ) kung sa tingin nito na hindi naaangkop ang panukala. Maaari rin payuhan ng ahensya ang Pangulo na i-veto ang anti-terrorism bill.

Nitong nakaraang linggo ay halos 20 kongresista na ang nagabiso na iuurong na nila ang kanilang lagda bilang co-authors ng anti-terrorism bill.

Anti-terror bill, dinepensahan ni Defense Sec. Lorenzana

Samantala, iginiit ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na walang maaabusong civil rights sa oras na maging batas ang anti-terrorism bill.

Ilan kasi sa mga pinangangambahan ng iba’t ibang grupo na baka kung sino na lamang ang huhulihin ng mga otoridad kahit walang anomang charges o warrant.

Pero ayon kay Lorenzana ang panukala ay binuo na may sapat na safeguards para hindi ito maabuso.

Inamin din ni Lorenzana na sa pamamagitan ng panukala ay ma-upgrade ang surveillance na ginagawa ng mga otoridad.

Pero maging ito aniya ay nababalutan ng safeguards; kakailangan pa rin ang consent ng korte para makapagmanman.

Sa kabilang banda ay iginiit ni Lorenzana na ang puntirya ng batas ay mga terorista at hindi aktibista.