AFP

AFP, nakahanda na sa pamamahagi ng 2nd tranche ng SAP

National News

Nakahanda na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamahagi ng 2nd tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Katuwang naman ng AFP ng DSWD, Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG) at Local Government Units (LGU) upang mapabilis ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.

Batay sa Joint Memorandum Circular 20 na nilagdaan noong June 9, 2020, ipamamahagi ang 2nd tranche sa mga nauna nang nakatanggap ng cash aid sa National Capital Region, Region 3 maliban sa Aurora, Region 4-A, Benguet, Pangasinan, Iloilo, Cebu, Bacolod, Davao City, Albay at Zamboanga City.

Inatasan din ang Department of National Defense (DND) sa pamamagitan ng AFP na pangunahan ang seguridad at koordinasyon sa LGUs .

Kabilang sa tutukan ng AFP ay ang actual distribution at handling of funds sa Conflict Affected Areas (CAA) at Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) sa bansa.

Patuloy din ang pagbibigay ng technical, administrative, at logistical assistance ng AFP gayundin ang paggamit sa kanilang land, air, at sea assets para sa mabilis na pagbiyahe ng DSWD personnel.

Una nang iginiit ni PNP chief Police General Archie Francisco Gamboa na magde-deploy sila ng police personnel kabilang na ang augmented police forces mula sa Regional at National Headquarters para sa security assistance sa DSWD at LGUs.

Gayundin ang pag-iimbestiga ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa umano’y anomalya sa distribusyon ng cash aid.