Hindi problema ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar kung saan gaganapin ang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

5th SONA ni Pangulong Duterte, gaganapin sa Batasang Pambansa

National News

Nakatakdang ganapin ang ikalimang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa sa Hulyo 27, araw ng Lunes.

Kinumpirma ito ni Senate President Tito Sotto III.

Ayon kay Sotto, nasa 50 katao lang ang papayagang pumasok sa Batasan.

Kabilang aniya rito ang 25 na mula sa executive department habang 13 kongresista at 8 senador ang dadalo ng pisikal sa SONA.

Sinabi ni Sotto na mahigpit na ipatutupad ang health protocols sa SONA kabilang na ang rapid testing sa mga dadalo.

Samantala, nauna ng napag-alaman na magkaroon ng malaking pagbabago sa ika-limang SONA ng pangulo.

Matatandaan na sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na posibleng isagawa ito ng pangulo sa pamamagitan ng televised speech.

Sinabi rin nito noon na posibleng maisasagawa ang SONA sa Batasan Pambansa ngunit limitado lamang ang mga bisita o tanging mga mambabatas lamang.

Maalalang pansamantalang ipinagbabawal muna ang mass gatherings sa ilalim ng ipinaiiral na community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Kaugnay nito, nauna ng tinalakay sa isinagawang Pre-SONA forum ang Build Build Build Program na siyang susi upang buhayin ang ekonomiya ng Pilipinas matapos itong labis na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Inihayag ni Finance Sec. Carlos Domiguez na ang infrastructure projects ang pinaka-mainam na paraan upang mabuhay ang ekonomiya.

Dahil ito aniya ang  mataas na multiplier effect at stimulating demand ng mga ganitong klaseng proyekto at sa ilalim din nito ay makalilikha ng maraming trabaho at mga negosyo.

Kabilang sa mga proyektong gagawin sa naturang program ay mga health at education facilities, housing at iba pa.

Ang ika-limang SONA ni Pangulong Duterte ay gaganapin sa ika-27 ng Hulyo.