49 Pinoy galing Wuhan City na sumailalim sa quarantine sa Clark City, nakauwi na sa kanilang tahanan

National News

Nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang mga Pilipinong nagmula sa Wuhan City, Hubei, China matapos ang kanilang 14-day quarantine.

Siniguro ng Department of Health (DOH) na walang nakitang sintomas ng 2019 Coronavirus Disease (COVID-19) sa 49 na mga Pinoy na namalagi sa Athlete’s Village, sa New Clark City, Capas, Tarlac simula noong Pebrero 9.

Pinagkalooban din ng DOH ng Quarantine Clearance Certificates ang nasabing mga Pinoy upang maiprisinta nila sa kanilang mga employer bilang katibayan na sila ay may kakayahan pa ring magtrabaho.

Tiniyak naman ni DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na patuloy pa ring imomonitor ng DOH ang kalusugan ng naturang mga Pinoy repatriates mula sa Wuhan sa loob ng isang buwan sa tulong ng mga local officials.