Pumalo na sa mahigit 18.4 milyong mag-aaral sa buong bansa ang nakapag-enroll na para sa school year 2020-2021 ayon sa Department of Education.

18.4 milyong mag-aaral, nakapag-enroll na para sa darating na pasukan

National News

Pumalo na sa mahigit 18.4 milyong mag-aaral sa buong bansa ang nakapag-enroll na para sa school year 2020-2021.

Ayon sa Department of Education (DepEd), sa nabanggit na bilang, 17.5 milyong mag-aaral dito ang mula sa mga pampublikong paaralan habang nasa higit 834,000 naman ang mga nagparehistro sa private schools.

Mula sa CALABARZON ang naitalang may pinakamalaking bilang ng enrollees na mayroong 2.5 million learners, na sinundan ng Region 3, at ng Metro Manila

Samantalang ang Cordillera Administrative Region (CAR) naman ang may pinakamababang bilang ng enrollees na nasa higit 300,000 lamang.

Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ng DepEd ang mga magulang na ipa-enroll na ang anak habang pinalawig pa ang remote at drop box enrollment hanggang July 15.

Samantala, tiniyak ng DepEd na nakahanda na  sa manual learning para sa mahihirap na mga mag-aaral na walang access sa radyo, telebisyon, at internet.

Ito ang ipinabatid ni DepEd Secretary Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pahayag ni Briones, mayroong learning modules na ibibigay sa mga Local Government Unit (LGU) na pwedeng kunin ng mga magulang upang masagutan sa bahay, at kalaunan ay personal naman itong kukunin ng mga guro.

Sa kabilang banda, nabanggit ng Education Secretary na umabot na sa 18.4 milyong mag-aaral ang nakapag-enroll na.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Briones na nakipag-usap na ito sa dalawang telecommunication companies ukol sa pagbibigay ng libre ang access sa internet.

Matatandaan na hindi pumayag si Pangulong Duterte na maibalik ang face-to-face classes sa pagbubukas ng mga paaralan sa August 24 hangga’t walang nabubuong bakuna laban sa COVID-19.