Hindi mapipigilan ang implementasyon ng Anti-Terrorism law kahit maraming grupo ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang pagpatutupad ng batas.

Implementasyon ng Anti-Terrorism law, hindi mapipigilan-Sen. Sotto

National News

Hindi mapipigilan ang implementasyon ng Anti-Terrorism law kahit maraming grupo ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang pagpatutupad ng batas.

Ito ang inihayag ni Senate President Vicente Sotto III.

Aniya, ang mismong batas ang kanilang depensa laban sa Temporary Restraining Order sa implementasyon ng bagong batas.

Mababatid na isang araw bago maging batas ang Anti-Terrorism Law ay may mga grupo ng mga abogado ang pumunta sa Korte Suprema para pigilan ang pagsasabatas nito.

Anila, maraming bahagi sa batas na labag sa konstitusyon kasama na ang karapatan o kalayaan sa pamamahayag at ang karapatan ng tao sa privacy.

Ayon kay Sotto, isa sa mga  principal author ng Anti-Terrorism Law sa Senado,  ang  mismong batas ang kanilang pinakamahusay na  depensa sa harap ng Korte Suprema.

Tiwala kasi si Sotto na walang nilabag sa konstitusyon ng bansa ang Anti-Terrorism Law para magkaroon ng basehan ang petition.

Giit din ni Sotto na nalulunod sa safeguards ang nasabing batas para lamang hindi ito maabuso sa bansa na sa katunayan ay ito pa ang pinaka-konserbatibong Anti-Terrorism Law sa buong mundo..

Ang kailangan lang aniyang gawin ng mga kritiko ay basahin ang batas at huwag mangibabaw ang kanilang mga sariling interpretasyon.

Naniniwala naman si Sotto na sarado na ang mga utak ng mga kritiko at walang magandang paliwanag mula sa kanila ang pakikinggan ng mga ito patungkol sa batas.

Samantala., Binuweltahan naman ni Sotto ang mga banyaga na kumukwestyon sa mahigpit na kautusan sa ilalim ng Anti-Terrorsim Act.

Aniya, ang dapat nilang punahin ay ang mismong Anti-Terrorim law ng kanilang mga bansa na mas mahigpit pa aniya kesa sa bersyon ng bagong Anti-Terror law ng Pilipinas.

Napakahabang panahon ay nasa top 10 ang bansa sa mga may pinakamahinang batas para sa mga terorista.

Matatandaang nag-ugat ang pagsasagawa ng panukala para sa pagpapaigiting ng laban ng bansa sa terorismo  ng maganap ang isang seige sa Marawi City na pinaniniwalang gawa ng mga ISIS Militants.