Inakusahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga abogado ng ABS CBN ng intellectual dishonesty dahil sa pahayag na aprubado ng kagawaran ang seasonal work arrangement ng mga manggagawa sa mga programa ng naturang kumpanya.

Abogado ng ABS CBN, inakusahan ng intellectual dishonesty

National News

Inakusahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga abogado ng ABS CBN ng intellectual dishonesty dahil sa pahayag na aprubado ng kagawaran ang seasonal work arrangement ng mga manggagawa sa mga programa ng naturang kumpanya.

“Sila ay intellectually dishonest,” wika ni Bello, habang binibigyang-diin ang batayang ginamit ng kumpanya na isang polisiya na higit 40 taon na at naideklara ng mga korte noong 2004 na ‘invalid.’

“Para banggitin ang isang polisiya na hindi sinang-ayunan ng mga korte dahil wala itong batayan sa batas ay isang uri ng pagsisinungaling upang linlangin ang publiko at mga miyembro ng kongreso,” dagdag pa niya.

Sa ginanap na pagdinig sa kongreso nitong Martes, binanggit ng mga abogado ng ABS CBN ang Policy Instruction No. 40 bilang batayan para sa pag-classify ng mga manggagawa ng nasabing kumpanya. Subalit hindi binanggit ng mga abogado na ang nasabing polisiya ay inisyu pa noong 1979 at parang pinalalabas na ito ay inisyu ni Bello.

Itinanggi rin ng DOLE ang mga pahayag na napatunayan umanong compliant ang ABS CBN sa mga labor law at standard.

Sinabi pa niya na ayon sa mga labor inspector, mayroong mga paglabag sa batas at standards ang ABS CBN at nang makita ang mga paglabag na ito, gumawa na rin ng hakbangin ang kumpanya upang maitama ang mga ito.

“Masasabi nating hindi tama na sabihing mula sa DOLE ang mga pahayag na isang compliant na kumpanya ang ABS CBN. Sa katunayan, mayroon pa silang 67 na pending na kaso sa NLRC at sa iba pang korte,” ayon pa sa statement ng DOLE.

Ani Bello, “Hindi nangangahulungang isang compliant na kumpanya ang ABS CBN kung itinama lamang nito ang kanilang mga paglabag matapos ang isang inspeksyon.”